Photobucket

intro

ilang oras na din ang ginugol sa pakikipagniig at pakikipagtalo sa pag-iisip. hapo na ang mga daliri sa pagkiliti sa mga tiklado ng makinilya. malamig na ang kapeng kanina'y tinatalo ang nginig ng katawang nangangatal sa simoy at hamog ng gabi. payapa na ang kapiligiran habang patuloy na nakabantay ang orasang nakakapit sa kupas na dingding. subalit sa kabila ng kalagayang ito, ang diwa ay namumutawing mulat at patuloy na hindi mapakali.

sa pagkakataong ang insiprasyong mailap ay muling nagpahaging, muling dadaloy ang tintang minsang natuyot na. muling sisisid ang kaisipan sa karagatan ng kamalayan at muling ipagpapatuloy ang pag-inog ng naudlot na obra, at unti-unting mabubuhay ang mga ideyang isinilang dulot ng mainit pagtatalik ng emosyon at kaisipan.

sa sandaling mailagay ang tuldok, paulit-ulit na hahagurin ng mapupungay na mga mata ang mga katagang binigyang kulay ng mapaglarong imahenasyon. sa kabila ng pagod na katawan, isang namamanghang ngiti ang guguhit sa mg labi; isang maipagmamalaking pakiramdam ang sasaklob sa sarili.

tunay nga't ang kaisipan ay walang palya sa paghahabi ng pinagtagpi tagping mga salita, subalit hindi biro ang pagsusulat. hindi man ako isang kwentista o makata, hayaan mong saglit kong ipasyal ang diwa mong lasing sa kabikabilang suliranin ng ating lipunan..

No comments: