Pumasok ka sa isang madilim na silid.
Magsindi ng kandila.Hayaang kumawala
ang iyong anino;bigyang-laya ang kaanyuan.
Pagmulat ng liwanag,
sino ang unang tumambad?
Pagkaraan,magsindi ng isa pang kandila.
At isa pa,hanggang lahat ay tumanglaw.
Sa mga aninong bumalandra sa dingding
at sahig,subukang piliin kung alin ang
nagmamay-ari sa iyong katawan.
Iisa ang kulay ng mga anino,itim.
Lahat sila ay sa akin.
Ngayon,isa-isang patayin ang sindi.
Hilahin ang mga anino pabalik sa iyo.
Pagtapak ng dilim,
sino ang unang nangubli?
Dahan-dahang ipikit ang mga mata.
Sa huling segundo ng pagtiklop ng talukap,
sikaping aninagin ang pagdapo ng anino.
Pakiramdaman kung saan sila nagmumula.
At sa iyong pagmulat,kapain mo sa isip
ang kanilang hugis.
Ano ngayon ang nakita mo?
Dilim.
Radikal
Ikaw at Ako: Isang Monologo
May bumubulusok na bulalakaw!
*Saluhin mo!*
*Huwag!Pagmasdan mo na lang!*
*Sige sundan mo lang ng tanaw at pagkatapos ay puntahan mo kung saan bumagsak.*
*Naalala mo yung panday?Baka maging ganun ang kapalaran mo!*
*Ah,bahala na!Hintayin mo na nga lang bumagsak.*
*Sandali asan na nga ba?*
Naguguluhan na talaga ako.Nitong mga nagdaang araw ay napakaraming tanong ang naglalaro sa isip ko.May nagbabasketbol,may nagtetennis,may nagjajackstone,may nagsusungka,at...at...at hindi ko na maalala dahil sa sobrang dami.Pero tanggap ko naman lahat yun eh.Ang hindi ko lang talaga magustuhan ay yung may maglalaro ng cara y cruz sa utak ko!Bwisit na buhay to!
AKO: Ano yang pinakikinggan mo?
IKAW: Musika!
AKO: Alam ko!Pilosopo!
IKAW: Alam mo pala nagtatanong ka pa!Bobo!
*Yan ang mahirap minsan,alam na nga ang ginagawa eh nagtatanong pa.Tsk tsk tsk!*
AKO: Alam kong musika yan,pero bakit punebre?
IKAW: Eh sa ito ang gusto ko eh!Trip trip lang yan.
AKO: Baliw ka ba?
IKAW: Wag mo nang itanong.
AKO: Masama bang magtanong?
IKAW: Nagtatanong ka nanaman.
AKO: Bakit,masama nga ba?
IKAW: Bawal magtanong dito!Basahin mo yung karatula.
AKO: (lingon sa itinuro)Huh?
(BABALA:BAWAL ANG INOSENTE DITO.BAWAL MAGTANONG!)
AKO: Oo nga!
IKAW: Ayan maliwanag na sayo.
AKO: Asan nga ba ako?
IKAW: %$&^**($%#$&*^ mo!Bawal nga magtanong!
*Minsan talaga mahirap magpaliwanag.Mapapamura ka na lang dahil sa kakulitan ng taong kausap mo.Mahirap nga bang sumunod sa mga simpleng panuntunin?*
NO SMOKING
Kanina pa ako nag-aabang ng masasakyan.Kanina pa rin ako pinagpapawisan at bwisit na bwisit na dahil malelate nanaman ako sa usapan namin ng girlfriend ko.Napatingin ako sa relong pangbisig.Shit,alas otso na!Late na ako ng 25 minutes pero andito pa rin ako.
May dumaang batang nagtitinda ng yosi at dyaryo.Tinawag ko at bumili ng isang stick na marlboro.Napamaang ako sa nasulyapan kong headline sa dyaryo: TRANSPORT GROUPS,NAGLUNSAD NG STRIKE.
Waaaa!Bwisit talaga!Bakit ba kasi hindi ako nagbasa ng dyaryo kaninang umaga pagkagising.Naiipit tuloy ako ngayon sa dami ng problema.Pati problema ng Pilipinas pinapasan ko na.Anak ng kamote naman oh!Makapagyosi na nga lang.
Nasa akma ko nang sisindihan ang yosi ng may dumating na jeep.Ayos!Thanks Jesus!Natawag ko na yata lahat nang santo sa mga sandaling yon.
Siksikan sa loob ng dyip.Pero wala yatang pakialam ang mga pasahero sa isa't isa.Sa gawing dulo may isang estudyante na nakikinig ng music sa kanyang i-pod.Gumigitara pa habang isinasabay ang ulo sa tugtog.Sa katabi ko may mamang kakaiba ang amoy!Shit!Kapag minamalas ka nga naman uli oh!Bakit dito pa ako natabi?Wala na akong magagawa kundi magtakip ng ilong.
Sa tantya ko eh 20 katao lang ang pwedeng maisakay sa dyip na ito pero tila mahigit pa kami sa singkwenta.Nagmistula kaming sardinas.Made in portugal(waha!nakuha ko pang magbiro).Kinilatis ko isa-isa ang sakay.May mag syotang dikit na dikit sa isa't isa(putsa,naalala ko girfriend ko.Nandun pa kaya yun sa tagpuan namin?),may natutulog,may magkumareng nagtsitsismisan,may lolong may hawak na panabong.Pero ang naging sentro ng paningin ko ay yung mamang kaharap ko at nagyoyosi habang sa tabi niya ay may matandang babaeng ubo nang ubo!
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa lalaking naninigarilyo at sa matandang hirap sa pag-ubo.Shit naman,tila walang pakiramdam ang mamang ito ah?Ubo na nga nang ubo yung katabi hindi pa itapon yung yosing hawak.
Maglalakas-loob na sana akong sawayin yung mama nang bigalang pumreno ang dyip,sabay sabi ng mamang tsuper:"Flat tayo,napako siguro yung gulong.Lipat na lang po kayo sa ibang dyip."
Anak ng kwagong tsinito naman oh!Para akong pagdidiliman ng paningin ng mga sandaling yon.Wala na nga akong magagawa.Binunot ko sa bulsa ang yosing binili ko kanina at sinindihan nang lapitan ako ng isang sekyu.
"Sir,bawal ho manigarilyo dito.
Saka ko lang napansin na nasa harap pala ako ng gasoline station.
BWISIT!!!
AKO: Aalis na ako.
IKAW: Hindi pwede.
AKO: Bakit naman?
IKAW: Nagtatanong ka naman.
AKO: Bakit nga hindi ako pwedeng umalis?
IKAW: Isang tanong mo na lang may mangyayari na sayo.
AKO: Hindi ako pwedeng umalis.
IKAW: Yan!Ganyan nga!
AKO: Hindi ako pwedeng umalis dito.
IKAW: Hindi ka pwedeng umalis dahil ikaw ay ako.
AKO: Ako ay ikaw?
IKAW: Binalaan na kitang huwag ka nang magtatanong.
AKO: Ako ay ikaw?Paanong nangyari?
IKAW: Bilang kaparusahan,mababaliw ka!Kakausapin mo sarili mo habambuhay!
AKO: Hindi maaaring ikaw ay ako!Ako ay ikaw!Ikaw ay ako!Hindi ako baliw!Hindi ako baliw!
HINDI AKO BALIW!
Tapos na ba?
Teorya
Mataman nating pinagmamasdan ang dagat.
Sinusukat ng tingin ang agwat ng alon sa isa't isa.
Inililista sa tubig ang mga kalkulasyon.
Namumuhay tayo sa gitna ng pagbabakasakali.
Minsan nilulusong natin ito.
Sinisikap arukin ang pagitan ng oo at hindi;
Ang hindi mapunuang puwang ng marahil.
Nasa mata ng tumatanaw ang lalim;
Ang hindi masilip na butas ng solusyon.
Minsan,may nangangahas na sumisid.
Kadalasan hindi naaabot ang layon.
May nakararating ngunit pag-ahon
Sumusuka ng buhangin.
Hindi sa kakayahang lumusong nakasalalay
Ang lahat,kundi sa hangaring maiahon
Ang kubling hininga sa pusod ng dagat.
Matagal na tayong lunod,hindi nga lang ganap.
Madonna
Nagsimula ang lahat sa pagdidilim ng langit.
Waring naramdaman ng mga ibon ang
paparating na panganib.Tinatakasan
ang paglukob ng anino sa lupa.Ramdam
ang tensyon sa ugoy ng mga punongkahoy.
Pagkaraan ay bumulusok ang ulan.Kasunod
ang daluhong ng hangin.Sunud-sunod na hablig
na bumali sa tukod ng mga bintanang nanunubok.
Sa loob ng isang kubo,payapang natutulog
ang sanggol habang hinihele sa nanginginig
na bisig ng ina;idinuduyan sa mga pigil na yakap.
Sumasalag ng kaligtasan para sa bugtong
na anak.Sa gitna ng sigwa,paano nga bang
maihihiwalay ang oyayi sa awit ng kamatayan?
Sa pagtatapos ng unos bubungad ang isang
senaryo:isang sanggol na payapa pa ring
nahihimbing sa mga bisig ng inang wala
nang buhay.Isang larawan ng pag-aalay.
Itim Ang Kulay Ng Bahaghari
naroon ako sa ibabaw ng bunton ng mga kalansay,
tinatanaw ang unti-unting pagdidilim ng kalangitan.
sa aking ibabaw ay may ligaw na kalapati,palipad-lipad,
ipinapahiwatig na hindi pa ako kabilang sa mga patay.
nagbabadya ng sigwa ang hampas ng hangin sa aking
mukha,sumusugat sa mga kamay na ipinanghaharang.
naroon pa rin ang kalapati,sinasagupa ang hangin...
tuluyan na ngang bumagsak ang galit ng langit,
bawat patak ay umaalingawngaw sa aking pandinig.
bawat patak ay kalansing ng nagtatagisang tabak,
tumitilamsik ang dugo sa bawat paghahamok.
humahalakhak ang lupang naganid sa dugo.
naroon pa rin ang kalapati,sinasalo ang bigwas
ng unos na sana'y para sa akin...
bumaha ang dugo sa tigang na lupa,
nanimbang ako sa bunton ng kalansay.
sinulyapan ko ang kalapati,naroon pa rin
subalit bakas na ang hirap at pagod,
naghahanap ng madadapuan ang lasog na katawan...
ibinigay ko ang aking palad upang dapuan,
subalit tumanggi,at tuluyang nagpatihulog,
humalo sa dugong umaapaw sa lupa...
mag-isa ko ngayong binabata ang hirap,
sinasalo ang dagok ng nag-aalimpuyong sigwa.
muling nanariwa ang mga dating latay
na likha ng mga lumipas na unos...
...sa pagtatapos ng bagyo,naroon pa rin ako
sa ibabaw ng bunton ng mga kalansay.
sa ibabaw ko ay naroon ang ligaw na kalapati,
may mga bahid ng dugo sa pakpak.
sa muling pagsikat ng araw,
nakatanaw pa rin ako sa kalangitan.
hindi na ang bagyo ang bumibingi sa akin,
kundi ang mga tinig ng hinagpis at hinaing.
lumikha ng arko ang mga dugo at luha sa kalangitan.
ipinikit ko ang aking mata,hindi ko nanaising makita
ang itim na kulay ng bahaghari...
Katawang Walang Ulo
may piping hinaing ang litrato,
ng hubad na katawang
walang ulo.
walang bakas ng dugo
na naiwan sa sugpungan
ng mga buto.
ipinagkait ang liwanag,
sa matang inilibing
sa semento.
wala na rin ang tinig,
na minsang nagtanggol
sa mga kuliglig.
katahimikan ang musika,
sa taingang sinaksakan
ng bomba't granada.
wala na ang kanyang ulo,
kaya't si katarungan
hindi na bistado.
Kagat Sa Mansanas
bumagsak ang mansanas sa ulo ni Newton,
kumatok sa daigdig ang lamog na dunong.
mga dalubhasa't pantas inalipin ng agham,
nagmarka ang katas sa aklat ng kasaysayan.
hindi iilan ang naghangad,
kumagat sa mabunying prutas.
at hindi rin iilan ang nakisawsaw,
sa eksena nina Juno,Hera at Venus.
walang nakinig sa mga babala,
ng mga isinugo at mga propeta...
sa loob ng mansanas,
may nananahang ahas...
hindi magtatagal mabubulok ang mansanas,
tuluyang lalaya ang demonyong ahas.
ang Tore ni Babel ay muling itatatag,
at magsisilbing tungtungan ng mga mapaghangad,
at muling pipitas ng panibagong prutas...
...at duon sa dakong di-abot ng tanaw,
lumuluha si Adan habang nakadungaw.
pinagsisisihan ang kanyang sinimulan.
Bernardo Carpio
kadiliman ng gabi'y ginulantang
nang sa ere'y pumailanlang
ang halakhak ni Ares...
at sa dakong timog
ay aking natanaw
ang pagguhit ng pulang ilaw
at ako'y nasilaw...
tinahak ko ang daan
patungong silangan
sa pagbabakasakaling
doon masumpungan
ang tunay na liwanag
ngunit sa bawat hakbang
ng aking mga paa
bumabaon sa talampakan
ang pira-pirasong bubog
ng basag na perlas...
sa diwa kong nangangalay
katanunga'y humihiyaw:
"may pag-asa pa kayang
sumikat ang araw?
kung ang awtoridad
ay nasa kanluran?"
at ang diwa kong pagal
ay tuluyang nahimlay...
sa pagbabalik-diwa
sarili'y natagpuan
sa pagitang ng dalawang
nag-uumpugang bato
sa buhay na katauhan
ni Bernardo Carpio...
FRIENDSHIP
Days will pass,
and things will grow old.
Flowers will bloom,
and soon will decay.
But when friendship starts,
all of the year it will remain fresh...
Friends will grow old,
but friendship will never.
As long as both cares,
it will remain young forever.
Death will separate it on earth,
but it will reborn in heaven...
Dream And Dry Candies
mga pares ng matang kaylayo ng tanaw,
lamig ay dama,sa init nauuhaw.
damang kalungkuta'y hindi maitago,
matang nagtutubig,biglaang lumalabo...
dama ko ang bakas ng iyong paglayo,
ramdam ko ang hapdi ng kirot sa puso.
dalamhati tiyak sa iyong paglisan,
iiyak ang langit,luluha ang ulan...
ngunit tulad ng ilog,di-mapigil ang agos,
alam kong sa dulo tayo'y magtatagpo.
ang lahat ng bagay ay may'rong dahilan,
ang agos ng laya ay ating sabayan...
at tulad ng kendi matunaw man sa'king bibig,
maiiwan ang tamis,sa puso ko'y uukit...
Pag-ibig
dinigma ng alon
ang pulutong ng buhangin
sa dalampasigan
di-maawat na paghahamok
damdaming nag-uumapaw
tulad ng puso kong
nais tumalon,kumawala
sa aking dibdib
tuwing ika'y makikita
sa saliw ng ihip
ng hanging amihan
may tugtuging hatid
ang iyong paggalaw
puso koy umiindak
sumasayaw sa galak
dibdib ko'y tumatambol
tuwing sayo'y napapasulyap
kaysarap pagmasdan
taglay mong kariktan
mata'y pagtampisawin
sa batis ng iyong
kagandahang taglay
handog ko sayo'y
bulaklak sa parang
kapiling ng mga puno
ibon at halaman
may awiting likha
ibinulong sa hangin
musikang sa iyo'y
nais sanang iparating
at kung marinig mo
sana'y bigyang pansin
ang abang paggiliw
damdaming di-masabi
tanging langit ang saksi
sana mamayang gabi
sa iyong pagtingala
mabatid mo ang mensahe
sa ningning ng mga tala
sa bilog na buwan
may ngiting nakasilay
sa aking pag-ibig
siya ang magpapatunay

