dinigma ng alon
ang pulutong ng buhangin
sa dalampasigan
di-maawat na paghahamok
damdaming nag-uumapaw
tulad ng puso kong
nais tumalon,kumawala
sa aking dibdib
tuwing ika'y makikita
sa saliw ng ihip
ng hanging amihan
may tugtuging hatid
ang iyong paggalaw
puso koy umiindak
sumasayaw sa galak
dibdib ko'y tumatambol
tuwing sayo'y napapasulyap
kaysarap pagmasdan
taglay mong kariktan
mata'y pagtampisawin
sa batis ng iyong
kagandahang taglay
handog ko sayo'y
bulaklak sa parang
kapiling ng mga puno
ibon at halaman
may awiting likha
ibinulong sa hangin
musikang sa iyo'y
nais sanang iparating
at kung marinig mo
sana'y bigyang pansin
ang abang paggiliw
damdaming di-masabi
tanging langit ang saksi
sana mamayang gabi
sa iyong pagtingala
mabatid mo ang mensahe
sa ningning ng mga tala
sa bilog na buwan
may ngiting nakasilay
sa aking pag-ibig
siya ang magpapatunay
Pag-ibig
Sinulat ni:
vener
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment