Anak, patawad kung tsyo man ay mahirap
Kaya't sana ay huwag maging mapaghanap
Pagkat puso ng ama mo'y nagkakasugat
Kapag ikaw'y nagmamaktol o umiiyak.
Kayo ng iyong ina ang tangi kong yaman
Di matutumbasan ng kahit ano pa man
Kung ito'y di sapat aking ipagdaramdam
Marahil ay dapat nga akong masumbatan.
Ito lang talaga ang aking makakaya
Kung ano'ng meron tayo ay pinagkakasya
Maging masinop ka sana't h'wag mag-aksaya
Magpasalamat sa Diyos sa munting grasya.
Di lahat ng naisin mapapasa-atin
Ang meron sa iba h'wag pakaasamin
Upang ang puso mo'y di maging mainggitin
Wala man tayo sana'y h'wag pakadibdibin.
'Sensya na, pangaral lang kaya kong ibigay
Ganito lang ang ama mo, may pagka-sentimental
Sa hirap ng buhay dapat ka ng masanay
Sa pagkatao mo ito ang magpapamday.
Bakit di na lang matulog mahal kong bunso
Baka paggising mo iyo ring mapagtanto
Na ang buhay sa mundo ay di gawang biro
Kaya ba't hahayaang puso mo'y magdugo?
Oyayi ni Itay
Sino Ang Tunay na Pilipino?
Pilipino nga ba 'pag kayumanggi ang kulay?
Ngunit may tina naman buhok na tinataglay
Ang Pilipino nga ba ay napakahusay?
Mga gawi ng dayuhan ginagayang tunay.
'Di yata't Pilipino ka lang na naturingan
'Pagkat Pilipinas ang bansa mong sinilangan
Ngunit wala kang sariling pagkakakilanlan
Maging ngalan ng bayan gagad pa sa dayuhan!
Pilipino ka nga bang hilig ay makiuso?
Mga galing sa kanluran iyong paborito
Hayan nga, nguso at dila mo ay kinakalyo
Sa kapupuri mo sa iyong mga idolo.
Tanong ko langm, sino ang tunay na Pilipino?
Ikaw bang nag-i-englis, daig pang "Merikano?
Nunit sa sariling wika ay mistulang bobo
Ang 'di marunong sa Ingles iyong iniinsulto!
Hoy! Pilipino ka nga ba o isang banyaga?
Ba't pinanggalingan mo iyong ikinahihiya
Dahil ba marami sa atin ang salaula?
Walang disiplibna't mas mahirap pa sa daga!
Para sa 'yo mga dayuhan ang mas magaling
Sa bansa nila tayo lang ay alilang-kanin
Maging sa sariling bayan ay alipin pa rin
Impluwenssya ng dayuhan kumukontrol sa 'tin.
Ito ba ang mga nais mong ipagyabang
Ang tumalikod sa totoo mong katauhan
Tunay na Pilipino mahirap ng malaman
Sariling atin matagal nang natatabunan!!!
Nung sacali man....
Nung sacali man…
e pa sapat ing sala ning bulan
ban atanglauan mu ing lungcut
caring matang mipnung lua…
mamalisbis caring pisngi
qng alang patugut cung pamanangis…
Nung e pa sapat ing idalit
cu ing sablang pait at pamagsisi
qng pangauale mu cacu…
Paburen mung ing tiup
ning angin a maglambing
caring balang bulung
da ring bulaclac
qng gilid ning pampang
a mitatayid tang delanan…
y yang magsalita
nung macananu cung manamdaman…
nung macananung mapupugtu
ing cacung inaua…
qng balang aldo milalabas
a agaganaca da ca…
nung sacali man
at aganaca mung mamatiauan
caring pilapil a mipnung tula
at micacaul tang liclucan…
ganacan mu sana cacung sinta…
mipnung lugud…
panayan da ca…
******************************
(tagalog version)
Kung sakali man…
at di pa sapat ang liwanag ng buwan
upang matanglawan ang lungkot
sa mga mata kong tigib ng luha,
mga luhang sa pisngi ko’y dumadaloy
dahil sa walang tigil kong pagtangis….
Kung sakali’t di pa sapat
ang itaghoy ko ang lahat ng pait at pagsisisi
dahil sa iyong pagkawalay sa akin…
Hayaan mo sanang ang ihip
ng hangin na naglalambing
sa dahon ng bawa’t bulaklak,
sa gilid ng pampang
na noo’y magkahawak-kamay
nating dinaanan…
ang syang mangusap
kung gaano ako nasasaktan.
Kung paanong unti-unting
napupugto ang aking hininga
sa bawa’t araw na lumilipas
na naaalala kita…
Kung sakali man
at maalala mong lumingon…
tumanaw sa mga pilapil
na noo’y buong-saya at magkayakap
nating inupuan…
alalahanin mo sana, aking sinta
Buong-pagmamahal…
Hinihintay kita…
Isama Mo Kami, Marianette
(tulang pakiusap kay Marianette Amper (SLN) –
ang 12-taong gulang na batang nagpatiwakal
dahil sa labis na kahirapan)
**************************
isama mo kami, Marianette
sa lalakbayin
mong panatag na daan.
duon sa natanaw mong pag-asa
sa kabilang buhay…
Sa dako pa roon…
kung saan marahil,
may liwanag…
may pag-asa…
may kapahingaan
para sa aming mga dukhang
tulad mo ring sa lupa’y
walang pagkahingalay…
tulad mo…
pagod na rin kami.
pagod nang unawain
at hanapan ng dahilan…
kung bakit paulit-ulit lang
at di matapos-tapos ang kahirapan…
ang paghahari’t pagsasamantala ng iilan
kaya’t sa iyong pagtakas
sa lupit ng mundong nakagisnan,
sa iyong pagtakas…
sa lipunang tigib
ng dusa’t dahas ng kahirapan,
isabay mo kami sa iyong pamamaalam.
Isama mo kami
sa iyong pupuntahan…
Gutom na Makata
Ba't kailangan pang magsulat ng tula?
Gayung hindi mailaman sa sikmura
Tangi lang nabubusog ay ang diwa
Samantalang ikaw'y pinagiging dukha
Ang tula nga ba ay para lang sa wala?
Tula'y 'di man lang magamit bilang armas'
'Pag paligid ay kubkob ng pandarahas
Mga kataga lang kayang ipangahas
Habang nililingkis ka ng mga ahas.
Akda'y 'di mailimbag sa peryodiko
Kung malimbag man kapalit lang ay 'tenk yu'
Sa dami ng tula 'di mo maipalibro
'Pagkat ayun sa kanila'y 'di na uso
Makata'y biktima ng komersyalismo
Kaya't wika'y itaga na lang sa bato?
Tunutula ba para sa sarili
O kinatawan lang ng nakararami?
Ngunit bakit nga ba 'di na raw mabili?
Tila produktong inaamag sa tabi.
Ngunit walang kuwenta ang pagsasalat
'Pagkat lahat ay sa ngalan ng panulat
Laman ng dibdib ibig lang isiwalat
Sa mundo ay makapag-iwan ng bakat!
Tula kay Mariannet Amper (12 anyos na nagpatiwakal dahil sa matinding kahirapan)
Natabunan na ng makapal na ulap ang 'yong pag-asa
'Pagkat 'di mo na makaya pa matinding pagdurusa
Ang naghihintay na kinabukasan ay 'di na mabasa
Musmos ka pa lang ngunit inalipin na ng problema.
'Di ba dapat ang buhay para sa iyo'y puno ng kulay?
'Pagkat Nene ka pa lang na wala pang kamalay-malay
Ngunit sadya yatang kahirapan ay isang halimaw
Kaligayan sa puso mo ay tuluyan na nitong inagaw.
Marahil pakiramdam mo isa kang batang lagalag
Walang patutunguhan at hindi mapana-panatag
Kung kaya't sa mundo'y nagpasya ng tumiwalag
Baka sa kabilang buhay nandun hanap na liwanag!
Ninais mo lang namang magtamo ng edukasyon
Ngunit 'di makapasok dahil laging walang baon
Kahirapan ay mistulang sumpa na 'yong susun-suson
Sa araw-araw, kayo ng pamilya mo'y nagtitiis ng gutom.
Mga karaingan sa buhay ay 'di mo maihibik
Kaya't sa kapirasong papel na lang itinitik
Makaahon sa hirap, lagi mong pinapanaginip
Pag-ibig sa magulang at mga kapatid ang kalakip.
Sa iyong pagpapatiwakal sino bang dapat na sisihin?
Ikaw ba na musmos, marupok lang ang damdamin
O ang lipunang pabaya na sa kahirapan ay nagsusupling?
Mga pinuno'y pawang inutil bagama't nagmamagaling!
Ba't ngayon marami ang sa iyo'y nakikisimpatya?
Gayung huli na't hinanap mo na ang sariling laya
Ah, mapalad silang mayayamang kunwari ay pinagpala
Ilan pang batang tulad mo, sa hirap ay nakatanikala?