Photobucket
Showing posts with label William. Show all posts
Showing posts with label William. Show all posts

Ang Tunay na Kaibigan

Siya si Mang Ben, kilala sa lugar namin dahil siya lang naman ang nag-iisang pagala-gala habang may hawak na asong nakatali. Bata pa ako noon nang una ko siyang makita, siguro taong 1989 o 1990 'yun. May katangkaran siya, puti na ang buhok at payat. Siguro nasa mahigit 50 anyos na siya ngayon. Mukha namang mabait si Mang Ben 'yun nga lang isip-bata o kung tawagin naman ng mga 'di nakakaintindi ay 'sira-ulo.' Wala akong nabalitaan na may sinaktan siya. Minsan nga siya pa ang sinaktan ng mga taong walang magawa sa buhay. Biruin n'yo ba naman ay binugbog siya ng mga ito gayung hindi naman siya nakapanlalaban dahil isip-bata nga. 'Di ba dapat sila ang tawaging 'tunay na sira-ulo'at 'di ang gaya ni Mang Ben na inosente sa mundo?

Iniisip ko nga ilang aso na kaya ang kanyang nakasama niya sa pamamasyal sa buong maghapon? Mahirap nang bilangin dahil sa dami. Merong asong kulay itim, brown, batik-batik at kung anu-ano pa ng klase ng aso. Pero isa lang ang sigurado ko lahat sila ay nagtagal sa piling ni Mang Ben. Ang iba naman naaawa sa asong kasa-kasama niya sa paglilibut-libot kung saan. Kasi ba naman ang init-init ng panahon pero pagala-gala ang magkaibigan. Siyempre, aso kaya 'di nito magawang maagreklamo. Mas maganda nga ang ganito dahil sinasamahan nila si Mang Ben. Eh, sila nga hindi nila pinapansin ang tulad niya. Dahil kung ayaw naman siguro ng aso na samahan siya ay kakagatin niya ito para makawala. Saka paminsan-minsan ay huminto rin si Mang Ben at ang kaibigan niya para makapagpahinga. Minsan nga ay natiyempuhan ko na pinapakain ni mang Ben ang aso ng baon niayng ttinapay.

Ano kaya ang nasa isip ni Mang Ben sa kanyang kaibigan? Bakit kaya mas gusto niyang makihalubilo sa mga aso kaysa sa tao? Siguro dahil ang aso ay hindi marunong manghusga.' Di tulad ng tao na sa unang tingin pa lang sa 'yo ay mayroon ng panghuhusga na nasa kanyang isipan. Mabuti pa ang aso bigyan mo lang ng buto ay makukuntento na. 'Di tulad ng tao na ibigay mo na ang lahat bandang huli ikaw pa ang sasakmalin. Ang aso aawayin ka lang kapag sinaktan mo. maliban na lang kung nauulol ito. Eh, ang tao kahit wala kang ginagawang maasama aawayin ka pa rin.

Para tuloy gusto kong makipag-kaibigan na lang sa aso. Pero 'di na siguro kailangan. Basta ang sa akin lang si Mang Ben ay hindi lang basta isang palaboy na may hila-hilang aso. bagkus ay naglalarawan ito sa samahan ng dalawang tunay na magkaibigan. Wala na sigurong tatamis pa sa samahan ng magkaibigan na magkasama saanmang lakaran, karamay sa anumang yugto ng buhay. Wala akong magagawa kung sa aso niya ito natagpuan. Sana lang matagpuan din natin sa mga itinuturing nating kaibigan ang magandang kalidad ng kaibigan ni Mang Ben. Sana nga...

Pagtatakwil sa Talinghaga

Itinatakwil nila ang talinghaga
Tulad ng malalabong gunita
Na ibinaon sa pusod ng lupa
Bawat umuusbong na saknong
Pinag-iisipan na parang bugtong
Walang isinasagot kundi pagtapon.

Itinatakwil nila ang ubaning taludtod
Upang sa bagong istilo magpakalunod
Ayaw baklasin ugat ng kasaysayan
Upang sundan yapak ng pinanggalingan,
Tulad ng paglimot sa pamana ng ninuno
Sa aral ng lumipas diwa'y pinagiging bano.

Tinalikuran nila ang kanilang mga sarili,
Ang tunay na kahalagahan ng guni-guni
Lumilikha sila ng makabagong awit
Ang mga dating likha'y pinilipit
Narahuyo sa harot at lantad na wika
Tulad mo, siya, ako o si Kaka.

Iniluwal ako ng pagiging hari
Sa pagtikwas ng nguso't daliri
At binura ang kulay ng bahaghari
Tulad nila ibig kong magpasarap sa pagpapagal
Upang ang sarili naman ang matanghal
Tayo baga'y tunay na hangal?

'Di ko masakyan ang nakababahing na usok
'Di ko makita ang buhay sa gusgusing alabok
'Di ko marinig ang oyayi para sa sanggol
Nauulinig ko ay hiyaw at pag-ungol
'Di ko matitigan ang anino sa salamin
May bahid-sumbat ang hiwaga sa pangitain.

Wala ng bulaklak sa parang
Walang naglipana kundi mga balang
Naglaho na matatatyog na kabundukan
Upang ang kalbong lungsod ang masilayan
Na dinadakilang huwad na kaunlaran
Sa paglimot sa tunay na kahulugan.

Ngunit nabubuhay ako sa pira-pirasong liwanag
Sa pagtatangka kong pilit na pagtiwalag
Muli akong inakit ng mahal na diwara
Upang ampunin ng dati ring salita
Bigla niya akong hinagkan at niyakap
At tinakpan ng makapal na sapot ng ulap.

Isang Bilibid ang Pangungulila

Walang sala ngunit nakapiit
Sa kulungan ng damdaming sakdal-lupit
'Di maabot ng tanaw isang dipang langit
Sa pangungulila mo'y walang dumadalaw
Kaya sumisidhi lalo ang pamamanglaw
Masamang pangitain naglalaro sa balintataw
Waring sinasapo mo ang rehas na bakal
Sa labas ng daigdig 'di makadunghal
Mataas na pader ay nakasagabal
Napakakipot ng selda ng ligaya
Kapag nagngunguyngoy ka sa iyong pag-iisa
Mga bangasang mukha ang nakikita
Hindi mo makaramay maging kakosa
Mga tattoo sa bisig ay nagbigay dungis
May ahas sa dibdib na lumiligkis
Waring bibitayin ngayong alas-tres
Para ring tinatarakan sa tiyan ng balisong
May dugong itim na bumabalong
Pangungulila'y labanan ng Oxo at Sigue-Sigue
Pagkatapos may ihahatid sa huling biyahe
Mananalangin ka sa harap ng ataul
Ang iyong diwa'y naglalamay, nakaburol
Sa pangungulila unti-unting nasusukol!

Pag-ibig ni Batman

Hindi ako kasing tapang ng bayani o Superhero
Wala akong lakas ng loob upang lumaban
Kung tutuusin duwag din ako't walang kapangyarihan
Birtud ko lamang ay ang aking dasal
At pakikidaumpalad sa pagal kong
kaluluwang lumilipad sa kawalan,
Nanghuhuli ng pigtal na bituin
Ngunit walang ibang makita kundi lambong
ng mga ulap
habang nakamasid ang pingas na buwan,
habang kinakapa sa kaibuturan ng dibdib
ang damdaming dito ay nakasilid
Ibig mang pakawalan ay walang magawa
Ngunit bukas babangon
ako't magbabagong bihis
Pag-ibig ay sasambulat sa iyong harapan
Tuad ng pagsamvbulat ng dugo't laman
'Pagkat damdamin ay 'di maikukubli
Ng hungkag na pagkukunwaring
'di kita mahal
Kung ibigin mo man ako o hindi
ay bahala na si Batman!

Ang Pag-ibig ng Makata

Ang pag-ibig ng makata ay matalinghaga
Kasing lalim ng kinakatha n'yang tula
Kapag nangusap pihong manunuot sa diwa
Pag-iisipan nang husto bago maunawa.

Ang pag-ibig ng makata ay 'di manggang hilaw
Na sa alamang at bagoong isinasawsaw
Hinog na hinog na ito at napakadilaw
Matamis sa panlasa't walang makakasapaw.

Ang pag-ibig ng makata ay abot hanggang langit
Mahirap matanaw kahit titigan mang pilit
Ngunit kasama lang pala at 'di nawawaglit
Pag-ibig niya ay walang katapusang awit.

Makata'y walang tumatagingting na salapi
'Di tulad ng iba yaman ipinamamarali
Ang kaya lang maialay ay tulang hinabi
Ngunit sa puso'y naghahatid ng luwalhati.

Ang damdamin n'ya'y dagat na nag-aalimpuyo
Tila pagsalpok ng alon na ayaw huminto
'Di ito tulad ng ambon na pabugso-bugso
Dumadaan lang sandali sabay maglalaho.

Sa pag-ibig ng makata ikaw'y makakaasa
Matapat ang pagtingin gaya sa kanyang musa
Habambuhay na nasa puso't inaalala
Walang pagkakupas, nagmamahal sa tuwina.

Kung iibig ka rin lang makata ang piliin
'Pagkat mabuti't malinis ang kanyang hangarin
Sa bawat sandali ikaw lang ang iisipin
Ang pag-ibig n'ya sa iyo ay laging papaksain...

Poesiya

Anak ng tokwa!
Uso pa ba ang makata?
Sa panahong ito na maraming bagay ang higit na mahalaga
Kung saan ang bagong henerasyon may usong dinadala,
Kung saan maraming umaagaw ng eksena
Mga taong ang gusto ay laging bida,
Kung saan maraming barakong nagpapantasya
Sa babaeng bida ng isang bastos na pelikula
Umiindayog din sa nakabubulabog na tugtog ng banda
Habang garalgal na kumakanta ang bokalista,
Kung saan maraming nasusuri ang mga matat
Marami namang nauulinigan ang mga tainga
Kung saan tinutulilig tayo sa palahaw ng mga bata
Binubulahaw sa gabi ng mga taong walang magawa,
Kung saan ilan sa kapwa natin ay lumuluha
Kung minsan tinutugis tayo ng mga pangamba
Ikinukulong sa hawla ng kawalang-pag-asa
May pag-uyam na ibinabalik ang isang malabong gunita
Minsan ay nililibang ang sarili sa huwad na ligaya
Kung saan binabagabag tayo ng masasamang balita,
Kung saan naghahari-harian ang mga dambuhala
Huwag tayo sa kanilang magku-krus at mag-aantanda
Kung saan araw-araw may itinitirik na kandila
Maraming kabaong ang sa hukay ay ibinababa.

May panahon pa bang magbasat sumulat ng tula?
Sa kabila ng pagkakapagal ng ating mga diwa
Makapagmumuni ka ba sa iyong pag-iisa
O matutulog na lang dahil di rin masaya?
Gayung wala tayong pakialam sa isat isa
Habang nag-uunahan sa paglakad sa kalsada
Di makahintong saglit upang bumili sa bangketa
O lingunin ang nasa likod at baka may mandurukot pala
Di magawang sulyapan ang baliw na gumagala
Bagkus nandidiri, marahil sa sarili ay nagtatawa
Habang ipinagmamapuring nakataas-noo sa suot na kurbata
Ayaw ding makinig sa nangangaral sa kalsada
Mabigat ba ang pagkakasala o mabigat sa bulsa?
Ni hindi rin malimusan ang pulubi ng barya
Nagdududang ginagamit ng sindikato ang dukha
Marami pang mga gaya nilang kaawa-awa
Habang ang ilan sa pera ay nagpapasasa
Ngunit tila patay-malisyat tila walang nakikita
O, anong saklap ng buhay sa lupa
Walang ibang maiulam kundi luksang tinapa!

Abalang-abala rin tayo sa pagsasalita
May kanya-kanyang iniisip at pagpapasya
Tayo bay may intelektuwal at superyorang perspektiba?
Kung kayat tingnan ang mga sarili ay napakadakila
Kayat nagtatagisan tayo sa ating paniniwala
Magkakatunggaling parati na lang nagdidigma
Kung kayat kahit kailan di na tayo mapayapa
Nagnanais sumaklaw sa pag-iisip ng bawat isa
Maling-mali tayo sa ating mga sapantaha
Lubhang naghahambog ang mga palalong diwa
Wala namang absultong konsepto ng tama
Sa mundong ibat iba ang wika, lahi at kultura.

Ngayon, uso pa ba ang makata?
Huhugot muna ako ng isang malalim na bunting-hininga
Kakapain sa aking dibdib sabay ibubuga
Ako rin ang sasagot sa tanong ko kanina
Kung ang tula ay uso pa ba?
Oo, di naluluma ang makata
Uso na ito kahit noon pa mang una
Pagkat ito ay sining ng kaluluwa
Poesiya ng diwang sa kawalan namamangka
Paghahanap ng katugunan sa salat ng paglaya
Marahil naghihintay ng patak ng ulan bilang biyaya
Upang tumubo ang halaman at di matigang ang lupa
Ngunit ano man ang ating pagiging abala
May mag-iiwan sa ginagawat hahawak ng pluma
Upang sundin ang pintig ng kanyang pandama
Sa kinalalagyang panahon ay hahabi ng mga tula
Upang maging isang bungkos ng mga alaala
Pagkat tanging panahon lang naman ang nag-iiba
Kailanman di ang pusot isipan ng isang makata
Walang Plato na makapagbabawal tumula
Walang kritikong makakapumilit sumira
Kayat kung ang bawat bagay ay isang tula
Bibigkasin ko ito at tutula ng buong laya!

Bernard Palanca

Pangarap mong maging 'sang sikat na makata
Makatang may putong ng lawrel sa tainga
Kaya't ganun na lang pananalig sa pluma
Walang sawang nakikipagkumpetensiya.

Ibig maging hari ng mga patimpalak
Diyata't sobrang tayog ng lipad ng utak
Ayos lang kahit pabuya'y pingas na pilak
Magkamit lang ng papuri't mga palakpak.

Marahil para sa 'yo lang ang sukatan
Upang masabing may taglay na kagalingan
Bawat sandali ay nakikipagtagisan
Natutuwa kapag merong nauungusan.

Oo na, sa iyo ay wala na ngang gagaling!
Mahihirap na paksa iyong nalilining
Ikaw'y isang dakilang alagad ng sining
kaming kapwa mo makata'y nasa ilalim.

Bilib kaming lahat sa galing mong bumerso
At nasapul panlasa ng mga hurado
Minsan naman para kang pulpol na kritiko
Ang ginagawa'y tira doon, tira rito!

Iyong-iyo na sinasabi mong parangal
Ang tulad namin ituring na mga hangal
Nilalaman ng tula'y lubhang mabababaw
Kumpara sa iyo na ayaw magpasapaw!

Rico Blanco

Nablangko ang isipan
Sa saglit na kahungkagan
Nagkakalkal sa dumi ng panahon
Agiw sa mata ang naglalambong.

Humahabi ng mga kataga
Ngunit bakit ngayon walang makapa?
Natutulog ba ang iyong diwa
Mula sa pagkawalang-bahala?

'Di maulinig huni ng kuliglig
Pagka't huminto ang daigdig
Ngayon ay saan mo balak bumaling
Ba't tila naglaho ang pagkahumaling?

Nakatungo pa ang iyong ulo
Waring ayaw titigan ang sariling anino
Nanggigipuspos,walang masabi kahit ano
Maging pagkatao ay tila ikanandado.

Ngunit 'di kailangan pa ng inspirasyon
O ng samu't saring ritwal at bendisyon
'Di na kailangan pang magnaknak ang diwa
O duguin sa pag-iisip ng mga kataga.

Buksan mo lang ang puso't isipan
Paliparin sa dawag ng kamalayan
Naghihintay ang samu't saring larawan
Mga imaheng hinugot mula sa kawalan...

Oyayi ni Itay

Anak, patawad kung tsyo man ay mahirap
Kaya't sana ay huwag maging mapaghanap
Pagkat puso ng ama mo'y nagkakasugat
Kapag ikaw'y nagmamaktol o umiiyak.

Kayo ng iyong ina ang tangi kong yaman
Di matutumbasan ng kahit ano pa man
Kung ito'y di sapat aking ipagdaramdam
Marahil ay dapat nga akong masumbatan.

Ito lang talaga ang aking makakaya
Kung ano'ng meron tayo ay pinagkakasya
Maging masinop ka sana't h'wag mag-aksaya
Magpasalamat sa Diyos sa munting grasya.

Di lahat ng naisin mapapasa-atin
Ang meron sa iba h'wag pakaasamin
Upang ang puso mo'y di maging mainggitin
Wala man tayo sana'y h'wag pakadibdibin.

'Sensya na, pangaral lang kaya kong ibigay
Ganito lang ang ama mo, may pagka-sentimental
Sa hirap ng buhay dapat ka ng masanay
Sa pagkatao mo ito ang magpapamday.

Bakit di na lang matulog mahal kong bunso
Baka paggising mo iyo ring mapagtanto
Na ang buhay sa mundo ay di gawang biro
Kaya ba't hahayaang puso mo'y magdugo?

Sino Ang Tunay na Pilipino?

Pilipino nga ba 'pag kayumanggi ang kulay?
Ngunit may tina naman buhok na tinataglay
Ang Pilipino nga ba ay napakahusay?
Mga gawi ng dayuhan ginagayang tunay.

'Di yata't Pilipino ka lang na naturingan
'Pagkat Pilipinas ang bansa mong sinilangan
Ngunit wala kang sariling pagkakakilanlan
Maging ngalan ng bayan gagad pa sa dayuhan!

Pilipino ka nga bang hilig ay makiuso?
Mga galing sa kanluran iyong paborito
Hayan nga, nguso at dila mo ay kinakalyo
Sa kapupuri mo sa iyong mga idolo.
Tanong ko langm, sino ang tunay na Pilipino?
Ikaw bang nag-i-englis, daig pang "Merikano?
Nunit sa sariling wika ay mistulang bobo
Ang 'di marunong sa Ingles iyong iniinsulto!

Hoy! Pilipino ka nga ba o isang banyaga?
Ba't pinanggalingan mo iyong ikinahihiya
Dahil ba marami sa atin ang salaula?

Walang disiplibna't mas mahirap pa sa daga!
Para sa 'yo mga dayuhan ang mas magaling
Sa bansa nila tayo lang ay alilang-kanin
Maging sa sariling bayan ay alipin pa rin
Impluwenssya ng dayuhan kumukontrol sa 'tin.
Ito ba ang mga nais mong ipagyabang
Ang tumalikod sa totoo mong katauhan
Tunay na Pilipino mahirap ng malaman
Sariling atin matagal nang natatabunan!!!

Gutom na Makata

Ba't kailangan pang magsulat ng tula?
Gayung hindi mailaman sa sikmura
Tangi lang nabubusog ay ang diwa
Samantalang ikaw'y pinagiging dukha
Ang tula nga ba ay para lang sa wala?

Tula'y 'di man lang magamit bilang armas'
'Pag paligid ay kubkob ng pandarahas
Mga kataga lang kayang ipangahas
Habang nililingkis ka ng mga ahas.

Akda'y 'di mailimbag sa peryodiko
Kung malimbag man kapalit lang ay 'tenk yu'
Sa dami ng tula 'di mo maipalibro
'Pagkat ayun sa kanila'y 'di na uso
Makata'y biktima ng komersyalismo
Kaya't wika'y itaga na lang sa bato?

Tunutula ba para sa sarili
O kinatawan lang ng nakararami?
Ngunit bakit nga ba 'di na raw mabili?
Tila produktong inaamag sa tabi.

Ngunit walang kuwenta ang pagsasalat
'Pagkat lahat ay sa ngalan ng panulat
Laman ng dibdib ibig lang isiwalat
Sa mundo ay makapag-iwan ng bakat!

Tula kay Mariannet Amper (12 anyos na nagpatiwakal dahil sa matinding kahirapan)

Natabunan na ng makapal na ulap ang 'yong pag-asa
'Pagkat 'di mo na makaya pa matinding pagdurusa
Ang naghihintay na kinabukasan ay 'di na mabasa
Musmos ka pa lang ngunit inalipin na ng problema.

'Di ba dapat ang buhay para sa iyo'y puno ng kulay?
'Pagkat Nene ka pa lang na wala pang kamalay-malay
Ngunit sadya yatang kahirapan ay isang halimaw
Kaligayan sa puso mo ay tuluyan na nitong inagaw.

Marahil pakiramdam mo isa kang batang lagalag
Walang patutunguhan at hindi mapana-panatag
Kung kaya't sa mundo'y nagpasya ng tumiwalag
Baka sa kabilang buhay nandun hanap na liwanag!

Ninais mo lang namang magtamo ng edukasyon
Ngunit 'di makapasok dahil laging walang baon
Kahirapan ay mistulang sumpa na 'yong susun-suson
Sa araw-araw, kayo ng pamilya mo'y nagtitiis ng gutom.

Mga karaingan sa buhay ay 'di mo maihibik
Kaya't sa kapirasong papel na lang itinitik
Makaahon sa hirap, lagi mong pinapanaginip
Pag-ibig sa magulang at mga kapatid ang kalakip.

Sa iyong pagpapatiwakal sino bang dapat na sisihin?
Ikaw ba na musmos, marupok lang ang damdamin
O ang lipunang pabaya na sa kahirapan ay nagsusupling?
Mga pinuno'y pawang inutil bagama't nagmamagaling!

Ba't ngayon marami ang sa iyo'y nakikisimpatya?
Gayung huli na't hinanap mo na ang sariling laya
Ah, mapalad silang mayayamang kunwari ay pinagpala
Ilan pang batang tulad mo, sa hirap ay nakatanikala?

Kung Ibig Mong Mawaglit sa Kasalukuyan

Kung ibig mong mawaglit sa kasalukuyan
Ang pagtakas ay isipin na karuwagan
Harapin nakapikit na katotohanan
Malupit niyang kaanyuan ay titigan.

Kapain mo, kaibuturan ng 'yong dibdib
Hanggang ang sarili ay tuluyang malupig
Sige, magpakalunod sa 'sang timbang tubig
Habang nabubulunan sa munting pinipig.

Tulugan ang bulaang pantasya't alamat
Umasa ka lamang sa iyong pandalumat
Isiping may taglay kang birtud o agimat
'Di kakapitan ng naknanaknak na sugat.

H'wag magtangkang tumanaw sa lumipas
'Pagkat lahat ng ito ay pawang napilas
H'wag maging propetang nanghuhula ng bukas
Kasalukuyan ay puno ng pandarahas.

Maglulunoy ka ba sa lagablab ng apoy
Hanggang matuklasan hiwaga ng kumunoy?
Bakit?Bakit nanasain mong maparool?
Sa kasalukuyang maraming humahatol.

Hindi katunggakan saglit na pagkawaglit
Ito'y pagbalikwas upang magbigay-init
Paglikha ng sariling paraiso't langit
Sa deliryo ng habagat na humahagupit.