Photobucket

Pagtatakwil sa Talinghaga

Itinatakwil nila ang talinghaga
Tulad ng malalabong gunita
Na ibinaon sa pusod ng lupa
Bawat umuusbong na saknong
Pinag-iisipan na parang bugtong
Walang isinasagot kundi pagtapon.

Itinatakwil nila ang ubaning taludtod
Upang sa bagong istilo magpakalunod
Ayaw baklasin ugat ng kasaysayan
Upang sundan yapak ng pinanggalingan,
Tulad ng paglimot sa pamana ng ninuno
Sa aral ng lumipas diwa'y pinagiging bano.

Tinalikuran nila ang kanilang mga sarili,
Ang tunay na kahalagahan ng guni-guni
Lumilikha sila ng makabagong awit
Ang mga dating likha'y pinilipit
Narahuyo sa harot at lantad na wika
Tulad mo, siya, ako o si Kaka.

Iniluwal ako ng pagiging hari
Sa pagtikwas ng nguso't daliri
At binura ang kulay ng bahaghari
Tulad nila ibig kong magpasarap sa pagpapagal
Upang ang sarili naman ang matanghal
Tayo baga'y tunay na hangal?

'Di ko masakyan ang nakababahing na usok
'Di ko makita ang buhay sa gusgusing alabok
'Di ko marinig ang oyayi para sa sanggol
Nauulinig ko ay hiyaw at pag-ungol
'Di ko matitigan ang anino sa salamin
May bahid-sumbat ang hiwaga sa pangitain.

Wala ng bulaklak sa parang
Walang naglipana kundi mga balang
Naglaho na matatatyog na kabundukan
Upang ang kalbong lungsod ang masilayan
Na dinadakilang huwad na kaunlaran
Sa paglimot sa tunay na kahulugan.

Ngunit nabubuhay ako sa pira-pirasong liwanag
Sa pagtatangka kong pilit na pagtiwalag
Muli akong inakit ng mahal na diwara
Upang ampunin ng dati ring salita
Bigla niya akong hinagkan at niyakap
At tinakpan ng makapal na sapot ng ulap.

No comments: