Photobucket

Entablado

bawat sinag at kutitap
ng pulang ilaw-dagitab,
balaraw na tumitimo,
sa dibdib niyang nawawasak.
sa himig at lamyos ng maharot na musika’y
unti-unting iindayog...
malalaglag papalayo sa maalindog nyang katawan
ang nalalabing dignidad na pinaka-iingatan.

nakasisilaw ang kinang ng mga ilaw
na naghahantad sa kanya sa kahihiyan.
sing-kinang ng mga salaping papel
na isa-isa nyang pinupulot
matapos ang bawa’t pagtatanghal.

hanggang kailan siya iindak..
hanggang kailan siya iiyak?
hanggang kailan mahihiga
sa tabi ng mga buwitre’t asong gala -
hayok sa laman at handang sumila?

dilim sa gitna ng liwanag.

may luha sa bawat sulok
ng parisukat na mundong kinasadlakan.

sadya nga bang sa bawat tao’y
may musikang nakalaan;
na sa gitna ng pagluha’y
kailangan niyang isayaw…
sa entablado ng buhay?

No comments: