Anak ng tokwa!
Uso pa ba ang makata?
Sa panahong ito na maraming bagay ang higit na mahalaga
Kung saan ang bagong henerasyon may usong dinadala,
Kung saan maraming umaagaw ng eksena
Mga taong ang gusto ay laging bida,
Kung saan maraming barakong nagpapantasya
Sa babaeng bida ng isang bastos na pelikula
Umiindayog din sa nakabubulabog na tugtog ng banda
Habang garalgal na kumakanta ang bokalista,
Kung saan maraming nasusuri ang mga matat
Marami namang nauulinigan ang mga tainga
Kung saan tinutulilig tayo sa palahaw ng mga bata
Binubulahaw sa gabi ng mga taong walang magawa,
Kung saan ilan sa kapwa natin ay lumuluha
Kung minsan tinutugis tayo ng mga pangamba
Ikinukulong sa hawla ng kawalang-pag-asa
May pag-uyam na ibinabalik ang isang malabong gunita
Minsan ay nililibang ang sarili sa huwad na ligaya
Kung saan binabagabag tayo ng masasamang balita,
Kung saan naghahari-harian ang mga dambuhala
Huwag tayo sa kanilang magku-krus at mag-aantanda
Kung saan araw-araw may itinitirik na kandila
Maraming kabaong ang sa hukay ay ibinababa.
May panahon pa bang magbasat sumulat ng tula?
Sa kabila ng pagkakapagal ng ating mga diwa
Makapagmumuni ka ba sa iyong pag-iisa
O matutulog na lang dahil di rin masaya?
Gayung wala tayong pakialam sa isat isa
Habang nag-uunahan sa paglakad sa kalsada
Di makahintong saglit upang bumili sa bangketa
O lingunin ang nasa likod at baka may mandurukot pala
Di magawang sulyapan ang baliw na gumagala
Bagkus nandidiri, marahil sa sarili ay nagtatawa
Habang ipinagmamapuring nakataas-noo sa suot na kurbata
Ayaw ding makinig sa nangangaral sa kalsada
Mabigat ba ang pagkakasala o mabigat sa bulsa?
Ni hindi rin malimusan ang pulubi ng barya
Nagdududang ginagamit ng sindikato ang dukha
Marami pang mga gaya nilang kaawa-awa
Habang ang ilan sa pera ay nagpapasasa
Ngunit tila patay-malisyat tila walang nakikita
O, anong saklap ng buhay sa lupa
Walang ibang maiulam kundi luksang tinapa!
Abalang-abala rin tayo sa pagsasalita
May kanya-kanyang iniisip at pagpapasya
Tayo bay may intelektuwal at superyorang perspektiba?
Kung kayat tingnan ang mga sarili ay napakadakila
Kayat nagtatagisan tayo sa ating paniniwala
Magkakatunggaling parati na lang nagdidigma
Kung kayat kahit kailan di na tayo mapayapa
Nagnanais sumaklaw sa pag-iisip ng bawat isa
Maling-mali tayo sa ating mga sapantaha
Lubhang naghahambog ang mga palalong diwa
Wala namang absultong konsepto ng tama
Sa mundong ibat iba ang wika, lahi at kultura.
Ngayon, uso pa ba ang makata?
Huhugot muna ako ng isang malalim na bunting-hininga
Kakapain sa aking dibdib sabay ibubuga
Ako rin ang sasagot sa tanong ko kanina
Kung ang tula ay uso pa ba?
Oo, di naluluma ang makata
Uso na ito kahit noon pa mang una
Pagkat ito ay sining ng kaluluwa
Poesiya ng diwang sa kawalan namamangka
Paghahanap ng katugunan sa salat ng paglaya
Marahil naghihintay ng patak ng ulan bilang biyaya
Upang tumubo ang halaman at di matigang ang lupa
Ngunit ano man ang ating pagiging abala
May mag-iiwan sa ginagawat hahawak ng pluma
Upang sundin ang pintig ng kanyang pandama
Sa kinalalagyang panahon ay hahabi ng mga tula
Upang maging isang bungkos ng mga alaala
Pagkat tanging panahon lang naman ang nag-iiba
Kailanman di ang pusot isipan ng isang makata
Walang Plato na makapagbabawal tumula
Walang kritikong makakapumilit sumira
Kayat kung ang bawat bagay ay isang tula
Bibigkasin ko ito at tutula ng buong laya!
Poesiya
Sinulat ni:
William
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment