maliit ang mundong aking inangkin
ngunit pilit pang pinasisikip at pilit akong dinadala
ng nakatanikala kong mga paa
sa malaki, madilim at malungkot na daigdig
hanapin mo ako
at ialis sa malungkot na mundong ito
buksan at pakatalasan mo lamang ang iyong mga tainga;
kahit nakapikit ang iyong mga mata
ako'y iyong makikita
hindi ako nagtatago
ako'y nawala at kinupkop
ng mga gunitang dapat ay patay na
tinuruan mo ako
kung papaanong humanap ng kislap at ningning
ngunit ano'ng saysay ng kislap at ningning
kung ang bawat kinang mismo ang pumapatay sa atin?
wala akong makita
wala..ang liwanag na nagpasaya
ay naglaho at iniwan akong nag-iisa
alam kong makikita kong muli ang paraiso
nalalapit na ang panahon upang ang mga sugat
ay maghilom at ang mga pangit na alaala
ay tuluyang mailibing na
harapin mo at sundin ang gusto ng panahon
sila ay dapat na kaibiganin
sila ang gagabay upang ika'y ilapit sa akin
hayaan mong matuka ka ng mga ibon sa iyong paglipad
yakapin mo ang ulap upang maramdaman mo
kung ano ang sarap at sakit ng may sugat
ang hapdi ng bawat dampi ay ang susi sa daan ng pag-uwi
sa pagsundo mo sa akin, hahanap tayo ng bahaghari
at tutuklasin kung ano ang kulay
ng buhay at ibibigay ko sa iyo
ang tunay na liwanag na kay tagal nang minimithi
kailanma'y hindi mawawaglit
kailanma'y hindi mapapawi.
IAWIT MO SA AKIN
Sinulat ni:
Erning
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment