naroon ako sa ibabaw ng bunton ng mga kalansay,
tinatanaw ang unti-unting pagdidilim ng kalangitan.
sa aking ibabaw ay may ligaw na kalapati,palipad-lipad,
ipinapahiwatig na hindi pa ako kabilang sa mga patay.
nagbabadya ng sigwa ang hampas ng hangin sa aking
mukha,sumusugat sa mga kamay na ipinanghaharang.
naroon pa rin ang kalapati,sinasagupa ang hangin...
tuluyan na ngang bumagsak ang galit ng langit,
bawat patak ay umaalingawngaw sa aking pandinig.
bawat patak ay kalansing ng nagtatagisang tabak,
tumitilamsik ang dugo sa bawat paghahamok.
humahalakhak ang lupang naganid sa dugo.
naroon pa rin ang kalapati,sinasalo ang bigwas
ng unos na sana'y para sa akin...
bumaha ang dugo sa tigang na lupa,
nanimbang ako sa bunton ng kalansay.
sinulyapan ko ang kalapati,naroon pa rin
subalit bakas na ang hirap at pagod,
naghahanap ng madadapuan ang lasog na katawan...
ibinigay ko ang aking palad upang dapuan,
subalit tumanggi,at tuluyang nagpatihulog,
humalo sa dugong umaapaw sa lupa...
mag-isa ko ngayong binabata ang hirap,
sinasalo ang dagok ng nag-aalimpuyong sigwa.
muling nanariwa ang mga dating latay
na likha ng mga lumipas na unos...
...sa pagtatapos ng bagyo,naroon pa rin ako
sa ibabaw ng bunton ng mga kalansay.
sa ibabaw ko ay naroon ang ligaw na kalapati,
may mga bahid ng dugo sa pakpak.
sa muling pagsikat ng araw,
nakatanaw pa rin ako sa kalangitan.
hindi na ang bagyo ang bumibingi sa akin,
kundi ang mga tinig ng hinagpis at hinaing.
lumikha ng arko ang mga dugo at luha sa kalangitan.
ipinikit ko ang aking mata,hindi ko nanaising makita
ang itim na kulay ng bahaghari...
Itim Ang Kulay Ng Bahaghari
Sinulat ni:
vener
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
ang lalim..!! nice one..
just droppin' by..
Post a Comment