Photobucket

takip silim

may mangilan-ngilang oras ko na ring binabaybay ang kahabaan ng kalayaan; di inaalintana ang patak ng ulan na sumasaboy sa aking yayat na katawan. waring isang basang sisiw na naglalakad sa kawalan. hindi ko maubos maisip kung bakit tila ako'y walang kahapuan sa kabila ng mahabang paglalakbay, tila ako'y dinadala na lamang ng sariling mga paa kung saan nito naising pumunta. tila baga may sariling pag-iisip at ako'y kanyang minamanipula at pinasusunod sa bawat kautusang nais ipagawa.

muli akong bumalik sa aking ulirat nang ako'y magpasyang sumilong at magpatuyo mula sa ngayo'y tumitila nang ulan. malamig ang paligid, malakas ang hanging dumadampi sa aking pisngi. tila isang mapagkalingang daliri na umaanyaya sa aking silid. nais kong matulog...matulog at tuluyang makalimot as makamundong realidad at mamuhay na lamang sa palasyo ng mga panaginip.

hindi ko mawari kung ano ang nais mong ipahiwatig. marami ang aking mga katanungan...mga katanungang ikaw lamang ang makpagbibigay ng kasagutan. tila isa kang unos sa isang payapang kabukirang may dalang panganib. subalit sa kabila ng kaakibat mong panganib, ako'y isang alipin na patuloy pa ring nagaantay sa iyong pagdating. subalit hanggang kailan? nais kong malaman ang layon ng minsang mong pagdating...nais kong malaman ang iyong kabuluhan.

hindi ko maubos maisip kung ikaw ba ay pawang totoong nilalang o isang ilusyon...isang tau-tauhang nilikha lamang ng aking mapaglaro at mapanlinlang na pag-iisip. nais kitang ikubli at angkinin subalit papaano?kailan? saan? marahil ay hindi ako pahihintulutan ng maramot na pagkakataon at mapagsariling tadhana, marahil ay ipagpapatuloy ko na lamang ang aking paghihintay bagamat walang katiyakan kung ika 'y muling masisilayan. marahil patuloy ko na lamang lulunurin ang sarili sa pag-asang baka dumating ang pagkakataong ako'y iyong sagipin. magsisilbi na lamang akong isang dilim na maghihintay habang ikaw na isang araw ay nagsasaboy ng liwanag sa ibang himpapawid.

gumagabi na. tila mga bituin na lamang ang nagbibigay ilaw sa daan bukod sa madalang na pagdaan ng mga rumaragasang sasakyan. tuyo na ang kaninang basang kamisetang kumakapit sa aking dibdib...tuyo na ang sapatos na kanina'y tumutunog sa bawat hakbang na itapak...tuyo na ang mga matang kanina'y naliligo sa hindi mabilang na patak ng luha. uuwi na lamang ako, marahil sa sandaling pumasok ako sa bahay ay naroon ka na at naghihintay...

No comments: