Siya si Mang Ben, kilala sa lugar namin dahil siya lang naman ang nag-iisang pagala-gala habang may hawak na asong nakatali. Bata pa ako noon nang una ko siyang makita, siguro taong 1989 o 1990 'yun. May katangkaran siya, puti na ang buhok at payat. Siguro nasa mahigit 50 anyos na siya ngayon. Mukha namang mabait si Mang Ben 'yun nga lang isip-bata o kung tawagin naman ng mga 'di nakakaintindi ay 'sira-ulo.' Wala akong nabalitaan na may sinaktan siya. Minsan nga siya pa ang sinaktan ng mga taong walang magawa sa buhay. Biruin n'yo ba naman ay binugbog siya ng mga ito gayung hindi naman siya nakapanlalaban dahil isip-bata nga. 'Di ba dapat sila ang tawaging 'tunay na sira-ulo'at 'di ang gaya ni Mang Ben na inosente sa mundo?
Iniisip ko nga ilang aso na kaya ang kanyang nakasama niya sa pamamasyal sa buong maghapon? Mahirap nang bilangin dahil sa dami. Merong asong kulay itim, brown, batik-batik at kung anu-ano pa ng klase ng aso. Pero isa lang ang sigurado ko lahat sila ay nagtagal sa piling ni Mang Ben. Ang iba naman naaawa sa asong kasa-kasama niya sa paglilibut-libot kung saan. Kasi ba naman ang init-init ng panahon pero pagala-gala ang magkaibigan. Siyempre, aso kaya 'di nito magawang maagreklamo. Mas maganda nga ang ganito dahil sinasamahan nila si Mang Ben. Eh, sila nga hindi nila pinapansin ang tulad niya. Dahil kung ayaw naman siguro ng aso na samahan siya ay kakagatin niya ito para makawala. Saka paminsan-minsan ay huminto rin si Mang Ben at ang kaibigan niya para makapagpahinga. Minsan nga ay natiyempuhan ko na pinapakain ni mang Ben ang aso ng baon niayng ttinapay.
Ano kaya ang nasa isip ni Mang Ben sa kanyang kaibigan? Bakit kaya mas gusto niyang makihalubilo sa mga aso kaysa sa tao? Siguro dahil ang aso ay hindi marunong manghusga.' Di tulad ng tao na sa unang tingin pa lang sa 'yo ay mayroon ng panghuhusga na nasa kanyang isipan. Mabuti pa ang aso bigyan mo lang ng buto ay makukuntento na. 'Di tulad ng tao na ibigay mo na ang lahat bandang huli ikaw pa ang sasakmalin. Ang aso aawayin ka lang kapag sinaktan mo. maliban na lang kung nauulol ito. Eh, ang tao kahit wala kang ginagawang maasama aawayin ka pa rin.
Para tuloy gusto kong makipag-kaibigan na lang sa aso. Pero 'di na siguro kailangan. Basta ang sa akin lang si Mang Ben ay hindi lang basta isang palaboy na may hila-hilang aso. bagkus ay naglalarawan ito sa samahan ng dalawang tunay na magkaibigan. Wala na sigurong tatamis pa sa samahan ng magkaibigan na magkasama saanmang lakaran, karamay sa anumang yugto ng buhay. Wala akong magagawa kung sa aso niya ito natagpuan. Sana lang matagpuan din natin sa mga itinuturing nating kaibigan ang magandang kalidad ng kaibigan ni Mang Ben. Sana nga...
Ang Tunay na Kaibigan
Sinulat ni:
William
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Ouch!
Post a Comment