Nagtatahip ang ina ng inimis na bigas.
Maraming nalalaglag mula sa kiskisan.
Pasuray-suray.
Biling-baligtad ang mga langgam.
Nag-uunahang makalabas sa bilao.
Bagaman gutom din,
Iniiwasan ang bagsak ng luha
Mula sa inang balisa.
Tahip ng dibdib.
Kasaliw ng tahip sa bigas na imis.
Saan siya hahanap ng bigas na pantawid?
Bawal ng mamulot sa kiskisan.
Bawal ng makiusap na dugtungan ang buhay.
Nagpupulasan.
Di man nila sinasadya,
Ang paglabas sa bilao ay pakikisimpatya,
Sa mga tahip ng pagkabalisa.
Langgam sa Bilao
Ehersisyo sa Paglimot
Maglilinis ako ng bahay ngayong gabi. Kukuskusin ko ang mga pader hanggang mabakbak ang berdeng pinta. Wawalisin ko ang nanirahang dumi sa mga sulok sulok, papalitan ang mga kortina sa sala, ang sapin ng sopa. Lalabahan ko nang maigi ang bawat tela. Ibabad ko at ikukula. Pupunasan ko ang sahig, aalisin ang natuyong bakas ng paa.
Huhubaran ko ang buong bahay ng mga ala ala. At bukas sa ‘king paggising, kahit katiting na bakas ng iyong pag-alis ay walang matitira.
putol na kwerdas
itula mo sa akin
ang hiwagang nakatago
sa putol na bigkis
ng iyong pag-ibig;
na minsa’y inakala mong walang maliw
uunawain ko ang pait.
mga saloobin: damdaming di
mo na maari pang ihimig…
paano mo ilalapat ang ulilang kataga
ng sugatang damdamin?
ano pa ang kahulugan ng himig
kung di rin mailalapat sa sigaw ng dibdib…
sa iyong pag-iisa…
patuloy kang maglalakbay at maghahanap
sa naglahong pag-ibig.
nguni't sino pa ang makikinig?
intro
ilang oras na din ang ginugol sa pakikipagniig at pakikipagtalo sa pag-iisip. hapo na ang mga daliri sa pagkiliti sa mga tiklado ng makinilya. malamig na ang kapeng kanina'y tinatalo ang nginig ng katawang nangangatal sa simoy at hamog ng gabi. payapa na ang kapiligiran habang patuloy na nakabantay ang orasang nakakapit sa kupas na dingding. subalit sa kabila ng kalagayang ito, ang diwa ay namumutawing mulat at patuloy na hindi mapakali.
sa pagkakataong ang insiprasyong mailap ay muling nagpahaging, muling dadaloy ang tintang minsang natuyot na. muling sisisid ang kaisipan sa karagatan ng kamalayan at muling ipagpapatuloy ang pag-inog ng naudlot na obra, at unti-unting mabubuhay ang mga ideyang isinilang dulot ng mainit pagtatalik ng emosyon at kaisipan.
sa sandaling mailagay ang tuldok, paulit-ulit na hahagurin ng mapupungay na mga mata ang mga katagang binigyang kulay ng mapaglarong imahenasyon. sa kabila ng pagod na katawan, isang namamanghang ngiti ang guguhit sa mg labi; isang maipagmamalaking pakiramdam ang sasaklob sa sarili.
tunay nga't ang kaisipan ay walang palya sa paghahabi ng pinagtagpi tagping mga salita, subalit hindi biro ang pagsusulat. hindi man ako isang kwentista o makata, hayaan mong saglit kong ipasyal ang diwa mong lasing sa kabikabilang suliranin ng ating lipunan..
short..very short poem
enraged with jealousy
burnt with passion
i long for your existence
a maudlin shimmer beneath your shadow
i cannot refuse your invitation
i hunger for you..and only you.
Pagtatakwil sa Talinghaga
Itinatakwil nila ang talinghaga
Tulad ng malalabong gunita
Na ibinaon sa pusod ng lupa
Bawat umuusbong na saknong
Pinag-iisipan na parang bugtong
Walang isinasagot kundi pagtapon.
Itinatakwil nila ang ubaning taludtod
Upang sa bagong istilo magpakalunod
Ayaw baklasin ugat ng kasaysayan
Upang sundan yapak ng pinanggalingan,
Tulad ng paglimot sa pamana ng ninuno
Sa aral ng lumipas diwa'y pinagiging bano.
Tinalikuran nila ang kanilang mga sarili,
Ang tunay na kahalagahan ng guni-guni
Lumilikha sila ng makabagong awit
Ang mga dating likha'y pinilipit
Narahuyo sa harot at lantad na wika
Tulad mo, siya, ako o si Kaka.
Iniluwal ako ng pagiging hari
Sa pagtikwas ng nguso't daliri
At binura ang kulay ng bahaghari
Tulad nila ibig kong magpasarap sa pagpapagal
Upang ang sarili naman ang matanghal
Tayo baga'y tunay na hangal?
'Di ko masakyan ang nakababahing na usok
'Di ko makita ang buhay sa gusgusing alabok
'Di ko marinig ang oyayi para sa sanggol
Nauulinig ko ay hiyaw at pag-ungol
'Di ko matitigan ang anino sa salamin
May bahid-sumbat ang hiwaga sa pangitain.
Wala ng bulaklak sa parang
Walang naglipana kundi mga balang
Naglaho na matatatyog na kabundukan
Upang ang kalbong lungsod ang masilayan
Na dinadakilang huwad na kaunlaran
Sa paglimot sa tunay na kahulugan.
Ngunit nabubuhay ako sa pira-pirasong liwanag
Sa pagtatangka kong pilit na pagtiwalag
Muli akong inakit ng mahal na diwara
Upang ampunin ng dati ring salita
Bigla niya akong hinagkan at niyakap
At tinakpan ng makapal na sapot ng ulap.
Wala Na
Paano ko isusulat
Ang kawalan
Sa pagkawala
Ng saglit, na minsan
Ay sumambulat
at kumawala
Sa tagipusu-on*
Nitong manunulat
At saglit na nagdala
Sa isang di maisulat
Ng pagpapakawala?
Kaya Ngayon
Wala nang maisulat.
Pagkat saglit lang din
Ang pagkawala
Nung saglit,
Na hahantong
Lang din naman pala
Sa wala
At sa kawalan,
At maiiwan akong
Pilit sinusulat,
Ang kawalan
Laman makaalpas,
Kahit saglit,
At tuluyang mawala
Sa kawalan.