Photobucket

Bedspacer Sa Buwan

Kasabay kong umuuwi
Ang mga pundidong alitaptap.
Diyan kami galing madalas
Sa The Fort, naglalambitin
Sa kalansay ng mga ginagawang
Gusali ni Ayala-Zobel,
Humihiga sa nangingiliting
Dilim na nakasingit sa damuhan,
Lumalanghap sa hamog
Ng tambutso at karbon
Ng mga paniking
Haypertensib.

Lahat ay umiilaw sa aking yakap
Habang kadantay ang mga ukab
Sa kamang kulang na ng isang paa.
Hindi naman ako gumugulong sa lapag
Kahit pa sobrang tingkad ng mga ipis.
Pagkat nagniningning ako sa gitna
Ng malaking kreyter ng bumbilya,
Nanghihiram ng liwanag
Upang kahit papaano
Ay bumalanse ang munti
Kong kislap: nagpapanatiling
Gising habang tulog lahat
Ng bituin sa natutunaw
Na tsokolate ng
Aking kisame.

No comments: