Photobucket

TATLONG TAON

***alay sa tropa***

unti unting binabalot ng kadiliman
ang nakagisnang kapaligiran
animo ito'y sadyang pinagsawaan
at patuloy nang iniwan.

tila ang lahat ay mayroon nang taning
mga nalalabing sandali ay nakakabitin.
ang nakaguhit na masasayang ngiti
ngayo'y nasalinan na ng hikbi.

nagsimula sa kamulatan,
pinagtibay itong sariling bugkos.
bakit ngayo'y marahan nang nalulupos
at tila nag-uumpisa nang maglaho.

inakalang habambuhay na paraiso
itong pinanghahawakang ginto.
kasiglahan sana'y hindi maubos,
ngunit bakit ang lahat tila ay nagbago?

pilit ko na lamang na pipiringan ang mga mata
at maging bulag sa mga nakikita.
tatakpan na lamang ang mga tainga
upang magmistulang bingi sa mga dinidikta.

pipigilan ko na lamang ang bibig sa pagbuka
upang magsilbing pipi at hindi na makapasalita.
nais kong maging manhid sa katotohanan
upang hindi na makaramdam ng anumang alitan.

ang matitingkad na kulay ng pagkakaibiga'y
unti-unti nang humuhupa
ang musika ng bawat halakhak ay
isa-isa nang tinatangay ng panahon.

ano pa't ginawa ang lahat upang ito'y maisalba
kung sa kabila ng lahat ng pingasamahan
ito din nama'y tatalikuran..
at hahayaan nang mawala..

Huling Saknong

Natuyo na ang tinta
ng nagdadalamhating pluma.
Pahagulgol kung umihip,
at tila nakikiluha ang hangin
sa umaalmang papel.

Malamlam…
aandap-andap ang munting
ilawan...
Naghihinanakit marahil
sa huling saknong
na di man lang naisulat…

Huling saknong sana ng
isang tula…
nang dalamhati
at protestang
mandi’y nais ibulalas
ng nakalugmok na makata…

Isang bala ang kumitil
sa laya ng tula.

Poesiya

Anak ng tokwa!
Uso pa ba ang makata?
Sa panahong ito na maraming bagay ang higit na mahalaga
Kung saan ang bagong henerasyon may usong dinadala,
Kung saan maraming umaagaw ng eksena
Mga taong ang gusto ay laging bida,
Kung saan maraming barakong nagpapantasya
Sa babaeng bida ng isang bastos na pelikula
Umiindayog din sa nakabubulabog na tugtog ng banda
Habang garalgal na kumakanta ang bokalista,
Kung saan maraming nasusuri ang mga matat
Marami namang nauulinigan ang mga tainga
Kung saan tinutulilig tayo sa palahaw ng mga bata
Binubulahaw sa gabi ng mga taong walang magawa,
Kung saan ilan sa kapwa natin ay lumuluha
Kung minsan tinutugis tayo ng mga pangamba
Ikinukulong sa hawla ng kawalang-pag-asa
May pag-uyam na ibinabalik ang isang malabong gunita
Minsan ay nililibang ang sarili sa huwad na ligaya
Kung saan binabagabag tayo ng masasamang balita,
Kung saan naghahari-harian ang mga dambuhala
Huwag tayo sa kanilang magku-krus at mag-aantanda
Kung saan araw-araw may itinitirik na kandila
Maraming kabaong ang sa hukay ay ibinababa.

May panahon pa bang magbasat sumulat ng tula?
Sa kabila ng pagkakapagal ng ating mga diwa
Makapagmumuni ka ba sa iyong pag-iisa
O matutulog na lang dahil di rin masaya?
Gayung wala tayong pakialam sa isat isa
Habang nag-uunahan sa paglakad sa kalsada
Di makahintong saglit upang bumili sa bangketa
O lingunin ang nasa likod at baka may mandurukot pala
Di magawang sulyapan ang baliw na gumagala
Bagkus nandidiri, marahil sa sarili ay nagtatawa
Habang ipinagmamapuring nakataas-noo sa suot na kurbata
Ayaw ding makinig sa nangangaral sa kalsada
Mabigat ba ang pagkakasala o mabigat sa bulsa?
Ni hindi rin malimusan ang pulubi ng barya
Nagdududang ginagamit ng sindikato ang dukha
Marami pang mga gaya nilang kaawa-awa
Habang ang ilan sa pera ay nagpapasasa
Ngunit tila patay-malisyat tila walang nakikita
O, anong saklap ng buhay sa lupa
Walang ibang maiulam kundi luksang tinapa!

Abalang-abala rin tayo sa pagsasalita
May kanya-kanyang iniisip at pagpapasya
Tayo bay may intelektuwal at superyorang perspektiba?
Kung kayat tingnan ang mga sarili ay napakadakila
Kayat nagtatagisan tayo sa ating paniniwala
Magkakatunggaling parati na lang nagdidigma
Kung kayat kahit kailan di na tayo mapayapa
Nagnanais sumaklaw sa pag-iisip ng bawat isa
Maling-mali tayo sa ating mga sapantaha
Lubhang naghahambog ang mga palalong diwa
Wala namang absultong konsepto ng tama
Sa mundong ibat iba ang wika, lahi at kultura.

Ngayon, uso pa ba ang makata?
Huhugot muna ako ng isang malalim na bunting-hininga
Kakapain sa aking dibdib sabay ibubuga
Ako rin ang sasagot sa tanong ko kanina
Kung ang tula ay uso pa ba?
Oo, di naluluma ang makata
Uso na ito kahit noon pa mang una
Pagkat ito ay sining ng kaluluwa
Poesiya ng diwang sa kawalan namamangka
Paghahanap ng katugunan sa salat ng paglaya
Marahil naghihintay ng patak ng ulan bilang biyaya
Upang tumubo ang halaman at di matigang ang lupa
Ngunit ano man ang ating pagiging abala
May mag-iiwan sa ginagawat hahawak ng pluma
Upang sundin ang pintig ng kanyang pandama
Sa kinalalagyang panahon ay hahabi ng mga tula
Upang maging isang bungkos ng mga alaala
Pagkat tanging panahon lang naman ang nag-iiba
Kailanman di ang pusot isipan ng isang makata
Walang Plato na makapagbabawal tumula
Walang kritikong makakapumilit sumira
Kayat kung ang bawat bagay ay isang tula
Bibigkasin ko ito at tutula ng buong laya!

pANAHON


Hindi
ko
hinihiling
na
huminto
ka
dahil
batid
ko
na
kailangang
lumakad
ka
ng
ayon
sa
iyong
lakad,
Sana
lang
ay
huwag
mo
masyadong
bilisan
dahil
minsan
pa,
lilingunin
ko
ang
kahapon
namin
na
sadyang
minsa'y
naging
ngayon!

Bernard Palanca

Pangarap mong maging 'sang sikat na makata
Makatang may putong ng lawrel sa tainga
Kaya't ganun na lang pananalig sa pluma
Walang sawang nakikipagkumpetensiya.

Ibig maging hari ng mga patimpalak
Diyata't sobrang tayog ng lipad ng utak
Ayos lang kahit pabuya'y pingas na pilak
Magkamit lang ng papuri't mga palakpak.

Marahil para sa 'yo lang ang sukatan
Upang masabing may taglay na kagalingan
Bawat sandali ay nakikipagtagisan
Natutuwa kapag merong nauungusan.

Oo na, sa iyo ay wala na ngang gagaling!
Mahihirap na paksa iyong nalilining
Ikaw'y isang dakilang alagad ng sining
kaming kapwa mo makata'y nasa ilalim.

Bilib kaming lahat sa galing mong bumerso
At nasapul panlasa ng mga hurado
Minsan naman para kang pulpol na kritiko
Ang ginagawa'y tira doon, tira rito!

Iyong-iyo na sinasabi mong parangal
Ang tulad namin ituring na mga hangal
Nilalaman ng tula'y lubhang mabababaw
Kumpara sa iyo na ayaw magpasapaw!

Rico Blanco

Nablangko ang isipan
Sa saglit na kahungkagan
Nagkakalkal sa dumi ng panahon
Agiw sa mata ang naglalambong.

Humahabi ng mga kataga
Ngunit bakit ngayon walang makapa?
Natutulog ba ang iyong diwa
Mula sa pagkawalang-bahala?

'Di maulinig huni ng kuliglig
Pagka't huminto ang daigdig
Ngayon ay saan mo balak bumaling
Ba't tila naglaho ang pagkahumaling?

Nakatungo pa ang iyong ulo
Waring ayaw titigan ang sariling anino
Nanggigipuspos,walang masabi kahit ano
Maging pagkatao ay tila ikanandado.

Ngunit 'di kailangan pa ng inspirasyon
O ng samu't saring ritwal at bendisyon
'Di na kailangan pang magnaknak ang diwa
O duguin sa pag-iisip ng mga kataga.

Buksan mo lang ang puso't isipan
Paliparin sa dawag ng kamalayan
Naghihintay ang samu't saring larawan
Mga imaheng hinugot mula sa kawalan...

Oyayi ni Itay

Anak, patawad kung tsyo man ay mahirap
Kaya't sana ay huwag maging mapaghanap
Pagkat puso ng ama mo'y nagkakasugat
Kapag ikaw'y nagmamaktol o umiiyak.

Kayo ng iyong ina ang tangi kong yaman
Di matutumbasan ng kahit ano pa man
Kung ito'y di sapat aking ipagdaramdam
Marahil ay dapat nga akong masumbatan.

Ito lang talaga ang aking makakaya
Kung ano'ng meron tayo ay pinagkakasya
Maging masinop ka sana't h'wag mag-aksaya
Magpasalamat sa Diyos sa munting grasya.

Di lahat ng naisin mapapasa-atin
Ang meron sa iba h'wag pakaasamin
Upang ang puso mo'y di maging mainggitin
Wala man tayo sana'y h'wag pakadibdibin.

'Sensya na, pangaral lang kaya kong ibigay
Ganito lang ang ama mo, may pagka-sentimental
Sa hirap ng buhay dapat ka ng masanay
Sa pagkatao mo ito ang magpapamday.

Bakit di na lang matulog mahal kong bunso
Baka paggising mo iyo ring mapagtanto
Na ang buhay sa mundo ay di gawang biro
Kaya ba't hahayaang puso mo'y magdugo?