Photobucket

Buryong




Markado ang kanilang noo...
"Mga Latak ng Lipunan"
na pinipilit pagdikitin
ang pira-pirasong bubog
ng basag nilang pagkatao.

Tila isdang pilit pinagkakasya
sa kalawanging lata.
Bolang-bakal na nakadugtong
sa tanikalang nasa paa...
parusa sa nagawang sala.
Kamelyong pilit pinasusuot
sa butas ng karayom...
sa buryong ng pagkakulong.

Sa katorse pesos maghapon
na pagkain nila,
patuloy lang na huminga,
ang pagbabago'y iniangkla
sa ulo ng tuyo...
sa itim na kanin...
sa kapeng namumutla;
kulang na nga'y kinukulangan pa.
Pikit-matang isisiksik
sa hungkag na sikmura;
sa inaanay na katawang
hindi na templo ng kaluluwa,
kundi ng kurikong,
ng buni at pigsa.

Makapagtiis man sila...
Makalaya man sila...
bilanggo pa rin ng mapanghusga
at mapang-aping sistema,
na dapat sana'y tumanggap sa kanila.

May puwang ba ang pagsusumamo?
Ang pagkatok sa nakapinid na pinto
ng lipunang pinatigas ang puso?

Saan sila tutungo?


No comments: