Iniiwan niyang mabigat ang mundo
ng kanyang mga bakas
ngunit walang nakadarama.
Araw-araw, binabagtas niya
ang parisukat ng mga lansangang
di mapanatag, hinuhuli ang hugis
ng takaw-espasyong hugos ng mga tao.
Sa antigo niyang kawalan ay marami
na ang kanyang nakaulayaw:
mga estudyante
mga namamalengke
mga nakatanaw sa mga bintana ng bus
mga batang umiiyak dahil nawawala
mga naliligo sa esteromga nagja-japan
mga umuuwing lasing at nanbubugbog ng asawa
mga kalahating pokpok, kalahating pulitiko
mga magnanakaw
mga kumakalabit ng bagting ng gitara sa mga kabundukan
mga hari at reyna (ng sariling mundo)
mga anghel ng propaganda
mga binabagyo ng bagabag
mga nagra-rally
mga humahabi ng tula
mga nagbabalak magpatiwakal mga propesor ng literatura
mga raker kuno, pangkista kuno
mga konyo
mga kapwa niya multo.
Hindi siya nauubusan ng mapaglilibangan;
(hitik sa salamangka ang sintetikong siyudad)
Sa kanya ang bungisngis sa pagitan ng mga tsismis.
Ang mamisong dagdag sa lata ng bulag.
Kapag mapaglaro, ay pinapasok niya ang mga kumbento
at binubulungan ang mga madreng taimtim na nagdarasal.
Mapapamulat sila.
Minsan, kapag natatagpuang pinid sa pagkakahimbing
ang mga pinto
at nagniningas ang mga naiwang yabag
sa kalsada
ay may mararamdaman siyang tila pag-ugong,
kahalintulad ng pag-iral ng isang
pagbibigay anyo.
Sisiksik iyon at titigil
sa likaw na bahagi ng sarili,
marahan,
at magnanaknak na animo'y sugat.
Puspos ng lunggati sa nakaambang
na pagbuo ng laman.
Ang Multo
Sinulat ni:
Grace
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment