Ako ay isang maliit na bangkang papel. Naglalakbay sa isang mabatong ilog na tila walang hangganan. Madalas na nag-iisa, nagpapatangay lamang sa agos ng kanyang tubig. Kung minsan naman ay tinutulak ng hangin o kaya’y patpat na hawak ng mga taong nagdadaan.
Malayo na ang aking nalakbay, marami na rin ang nakasalubong at nakasabay na bangkang papel. Makailang beses na ring akong tumaob sa lakas ng hangin, nabasa ng ulan, pinaglaruan ng malilikot na bata at itinapon kung saan-saan. Naranasan ko na rin ang masira dahil sa pagkabasa at sa kamay ng malulupit na nilalang. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, ito pa rin ako, isang bangkang papel.
Nang isang araw habang ako’y namamahinga, may isang manlalakbay ang lumuhod sa tabi ng ilog at naghilamos ng kanyang pawis at pagal na mukha. Pinagmasdan ko siyang maigi. Maya-maya pa nang nakaginhawa na siya ay bigla siyang napatingin sa akin. Matagal ang aming titigan. Ngumiti siya na nagdulot ng kaba sa akin. Agad na sumagi sa aking munting isipan na ako’y kanyang sisirain. Sinibukan kong tumakas ngunit huli na, ako’y nasa kanyang mga kamay na.
Sinuri nya akong mabuti at muli siyang ngumiti. Inilagay niya ako sa kanyang bagahe. Inayos nya ako para hindi maipit ng iba pa niyang dala-dala at masilayan ko lahat ng aming dadaanan.
Isinama niya ako saan man siya magpunta. Mula noon ay naging matalik kaming magkaibigan. Nakita at narating ko ang mga lugar na nakita at narating niya. Doon ko nalaman na napakalaki ng mundo at napakaliit ng mundong ginagalawan ko. Pumunta kami sa isang daungan ng barko, isang araw. Labis ang aking pagkamangha sa aking nasaksihan.
Hawig ang aming anyo ngunit sobrang dami ng aming kaibahan. Likha siya sa makabago at matitibay na materyales. Sigurado akong hindi iyon kayang itaob ng malakas na hangin , kahit na ang matinding bagyo. Hindi rin siya kayang itapon kung saan saan, at paglarua’t punitin ng mga malulupit na nilalang. Higit sa lahat na aking ikinamangha, nakapagdadala siya ng maraming tao at bagay-bagay sa iba’t ibang lugar.
Tumingin ako sa aking sarili. Sobra akong maliit hindi lamang sa anyo kundi sa kung ano ako. Matapos ng dalaw na iyon ay ibinalik niya ako sa aking pinanggalingan – sa isang maliit na mundo. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na lumulutang sa isang mabahong kanal.
Ako’y napaluha na animoy ang nilalakbayan ko noon ay napunta sa aking mga mata. Doon ako napaisip nang higit sa maaabot ng aking isipan. Hindi ako maaaring manatiling bangkang papel. Nais kong maging isang barko.
Wala pa ang aking mga naranasan sa karanasan ng iba. Wala pa akong kakayahan na maipapakita sa iba upang malaman nilang nabubuhay ako. Wala pa akong nagagawang mabuti sa iba at higit sa lahat sa aking sarili.
Napagtanto ko rin ang dahilan ng aking pag-iisa. Ang aking mga kasama’y patuloy na naglalakbay at lumalaki samantalang ako ay nananatili lamang sa pagiging bangkang papel. Ginusto ng lahat na makarating sa maraming lugar, makagawa ng maraming bagay at bigyang kahulugan ang buhay na minsan lamang nila mahahawakan.
Tama na! Pagod na ako sa pagiging bangkang papel. Wala na akong makakasama sa ganitong kaanyuan at wala na akong ilog na pag-aanuran pagkat mabahong kanal na lamang ang meron ngayon.
Magsisimula ako ng bagong buhay at gagawin ang lahat upang maging barko.
Isang barkong matatag na di kayang pataobin ng ulan at bagyo. Isang barkong maraming nagagawa upang makatulong sa iba at makilala na may isang tulad ko ang nabubuhay sa mundo. Isang barkong di kayang itapon at baliwalain ng iba bagkus ay mamahalin at papahalagahan. Isang barkong kayang makipagsabayan sa iba at hindi namamaliit. Isang barkong handang maglayag sa malawak na mundo upang mabigyang kabuluhan ang buhay na pinahiram sa akin.
Bangkang Papel
Sinulat ni:
bj
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
hi..this is a great composition!Hope to read more from this site. Keep it up!
http://friends.rambler.ru/linkstorconsu@rambler.ru
http://friends.rambler.ru/conkoraso@rambler.ru
http://friends.rambler.ru/fesbatije@rambler.ru
http://friends.rambler.ru/fluterbipurp@rambler.ru
http://friends.rambler.ru/ymintinomb@rambler.ru
Post a Comment