Photobucket

Kontradiksyon sa Isipan ng Isang Aktibista

Nailahad na ang iyong pagkadusta.
Malaon nang naisatitik at nalimbag
ang mga kwento ng pagkatimawa...

Noon pa man...
nagtalsikan na sa mga pader
at duguang katsa,
ang mga titik ng pagtutol,
at lunggati para sa paglaya.

Sa mga balisbisan ay naroon ka...
Sa bawat rali at mga protesta.
Sa kandili ng mga anak-dalita,
naroon ka at kasama nila.
Sa bawat bungong nabasag,
sa mga walang malay na katawan
na nahandusay at walang-awang pinaslang...

Hindi ka nga alipin...
pagkat sa bawat himaymay ng mga ugat
ay nanatili ang pagnanasa,
ang paghihimagsik,
ang pagbangon at pakikibaka!

Libong ulit ka mang masugatan
hanggat makatitindig...
naroon ka.
Sa kaibuturan ng lugaming puso,
patuloy kang aawit para sa paglaya.
Papandayin ka ng bawat nilang pagsupil
at pagtatangka,
na mapatay ang lagablab sa iyong mga salita.

Malaon ng nailahad ang iyong pagkadusta.
Paulit-ulit ka rin lang bang maglilitanya?
Maghihimagsik laban sa sistema?
May nakikinig nga ba sa iyong mga salita?

Inaapuhap mo ngayon sa iyong gunita...
sa papatakas mong kapit sa prinsipyo
ng pagbabagong mapayapa...
ang sagot sa mga tanong na pilit kumakawala...
May katuturan pa nga ba ang iyong ginagawa?

May puwang pa nga ba ang di-marahas na pag-aalsa?

No comments: