Umiiyak...Sumisigaw ang Lupa

Umiiyak ang lupa.
Tumatangis.
Bumabalong...
ang pulang luha ng paghibik.
May pagsamo't panambitan
ang mga bitak ng palayan
na naging libingan...

Sa dibdib niya'y sumisibol
sumasamo't humihiyaw
ang mga mga patak ng dugo...
itinigis nilang hamak
na nagtangkang sumigaw,
magtampisaw sa panganib;
maabot lang...matanaw lang
ang paglayang inaasam;
mula sa kalawanging tanikala
ng hinagpis at pagkatimawa.

Nagdadalamhati...
di maikubli ng ulilang bukid
na naging piping saksi
sa mga bangungot ng gabi..
ang tinig ng pagmamakaawa
niyaong mga nilalang
na sapilitang isinauli
sa sinapupunan niyang humihikbi.
Sa kandungan nya'y nagsiamot ng kandili.

Mga bayaning di kilala
walang mukha...
walang pangalan ni palatandaan.
Basta na lamang tinabunan
sa mababaw nilang mga hukay.
Ibinaong tila balaraw
sa naghihinagpis niyang dibdib.

Inalisan ng karapatang isalaysay
ang saloobin.
Nilagutan ng pangarap
na mabuhay ng tiwasay...

Umiiyak...sumisigaw ang lupa.

[i]"Tinatawag ko kayo...
o' mga anak kong nalagasan!
kayo na mga naiwang
nangaglugmok sa kawalan...
Nasaan kayo?
kayong mga tinakasan na ng tapang...
magsidalamhati kayot manambitan
Nakalibing ang inyong KALAYAAN!" [/i]

No comments: