(alay sa mga number two)
Umaga,
Pigilan mo ang nagbabagang araw sa kanyang pagdungaw.
Huwag mong pahintulutan ang bawat nakasisilaw niyang sikat
Na sumaboy sa buong nahihimlay na kapaligiran.
Hayaan mong kahit ngayoy humaba ang nananahimik na gabi
At minsan pang pagharian muli ng buwan ang madilim na himpapawid
Sampu ng mga nagkikislapang bituin sa langit.
Sapagkat sa maikling pagkakataon lamang na ito,
Ang mga inaasam-asam koy matatamo.
At ang mumunti kong mundoy muling magpapatuloy sa pag-inog.
Hayaan mong sarilinin namin ang bawat ipinuslit na sandali
At nang ang mga masisidhing damdamin ay di na kailangan pang ikubli.
Sapagkat ang ganitong pagkakataon ay maaring di na muling maulit.
Gabi,
Huwag mong hayaang ipaghele ako ng antok
Kasabay ng init ng kumot na sa akin ay bumabalot.
At nawa'y iligtas mo ako sa pagkalunod sa mundo ng nakasusuklam na bangungot.
Hayaan mong sa makamundong realidad, kami ay saglit na bumukod
Upang ang kanyang damdamin sa akin ay malugod niyang ituon.
Sapagkat alam kong sa sandali lamang na ito, wala nang iba pa kundi ako.
Umaga,
Huwag kang maging maramot, ikay magparaya.
Huwag mong kitilin itong ligayang nadarama
At hayaang ang damdaming nauumid ay patuloy na pumakawala.
Sa huling pagkakataon akoy nagmamakaawa.
Naway pigilan mo ang iyong liwayway sa pagbuka.
Sapagkat sa paglaho ng mapagkandiling gabi,
Akoy patuloy na niyang lilisanin.
querida
Sinulat ni:
Pen Palaboy
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment